Dapat magkusa na ang mga television (TV) network at ang film industry na magsagawa ng internal cleansing upang linisin ang kanilang hanay.
Ito ang payo ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino makaraang isiwalat ng PDEA na mayroong mga artistang kabilang sa listahan ng mga sangkot sa iligal na droga.
Ayon kay Aquino, kailangan magsagawa ng sorpresa at mandatory drug testing ang mga TV networks at film companies sa kanilang mg artista.
Maaari naman aniya na gawin itong pribado o kompidensyal at hindi na ilalabas sa publiko ang resulta.
Plano na rin aniya ni Aquino na sulatan ang mga kinauukulang istasyon at kompanya para pormal nitong hilingin ang naturang hakbang.
Handa rin aniya ang PDEA na umasiste sa gagawing drug testing ng mga network at film companies.
Pagkakasama ng 31 celebrities sa ‘narco-list’ itinuturing na tagumpay sa war on drugs — Nograles
Itinuturing na tagumpay ng war on drugs ni PBA Party list Rep. Jericho Nograles ang pagkakasama ng 31 celebrities sa watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon kay Nograles, panahon na para imbistigahan ang mga isyu nang pagkakasangkot ng ilang mga artista sa iligal na droga.
Aniya, hindi dapat magbulag-bulagan ang mga otoridad dahil noon pa man ay marami ng mga celebrity ang dawit sa paggamit ng iligal na droga ngunit idina-daan lamang ito sa mga tsismis o blind items.
Kaugnay nito, nilinaw rin ni Nograles na suportado niya ang pagsasapubliko ng naturang listahan dahil ito lamang aniya ang hakbang ng gobyerno upang matuldukan na ang patuloy na pagdami ng iligal na droga sa bansa. – (written by Ashley Jose)