Tinatayang 10.6 na Milyong Pisong halaga ng sangkap sa paggawa ng shabu at laboratory equipment ang winasak ng Philippine Drug Enforcement agency sa Valenzuela City.
Ayon kay PDEA Director-General Aaron Aquino, ang kabuuang 228 liters ng liquid chemicals at ilang laboratory equipment ay bahagi ng mga ebidensya na kanilang nakumpiska sa mga anti-drug operations.
Ito, anya, ay bilang patunay na hindi ini-re-recyle ng PDEA at muling ibinebenta ang mga iligal na droga na kanilang nasasabat.
Samantala, welcome naman para kay Aquino ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipaubaya na sa PDEA bilang lead agency ang kampanya kontra iligal na droga.
Gayunman, aminado ang PDEA Chief na kailangan nila ng tulong sa Philippine National Police at National Bureau of Investigation lalo’t limitad lamang ang kanilang tauhan at kagamitan.