Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bagong chairman ng Mindanao Development Authority si Maria Belen Sunga Acosta.
Ayon kay Acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang appointment ni Acosta noong January 6, 2022.
Ayon kay Nograles, tiwala ang Palasyo na gagawin ni Acosta ang lahat upang magampanan ng maayos ang bagong tungkulin na iniatang sa kanya ng punong ehekutibo.
Kumpiyansa rin aniya ang pangulo na ipagpapatuloy ni Acosta ang mga nasimulang inisyatibo ng mga naunang namuno sa ahensya upang higit na mapaunlad ang socioeconomic growth ng Mindanao. —sa ulat ni Jopel Pelenio (Patrol 17)