Pinayuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga biktima ng bagyong Odette sa Siargao Island, Surigao Del Norte na tandaan ang mga pulitikong hindi bumibisita maging ang mga ginagamit ang kalamidad para lamang sa pagpapa-pogi.
Ayon kay Pangulong Duterte, dapat tandaan ng mga residente kung sino ang talagang may malasakit tumulong sa panahon ng kanilang pangangailangan at paghihirap.
Mayroon anyang ilang pulitiko na hindi magtatangkang bumisita o pupunta lamang para magpa-picture nang walang bitbit na ayuda o kahit anong tulong.
Aminado naman ang pangulo na kung inaakala ng mga taga-siargao na napagsilbihan sila nang maayos o nagkaroon ng pagkukulang sa kanila ang gobyerno, humihingi siya ng paumanhin dahil ito lamang ang kanyang kayang gawin.