Pinatitiyak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga bagong graduate ng Philippine National Police Academy (PNPA) na panatilihin ang kanilang limitasyon sa tungkulin at tiyaking magiging malinis at tapat ang May 9 elections.
Sa kanyang pagharap sa mga miyembro ng “Alab-Kalis” Class of 2022 sa 43rd PNPA Commencement Exercises sa Camp Castañeda sa Silang, Cavite, ipinaalala ng pangulo sa mga bagong pulis na sila ay government workers.
Wala anya silang ibang dapat gawin kundi ang tama para sa mga mamamayan at bayan alinsunod sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Binigyang-diin ni Pangulong Duterte na hindi nakatataas kaninuman ang mga manggagawa ng gobyerno dahil nagtatrabaho sila para sa taumbayan.
Iginiit din ng punong ehekutibo na walang sinuman ang dapat panigan ng mga pulis ngayong panahon ng eleksyon bilang pagpapakita ng propesyunalismo ng pambansang pulisya.