Hindi dapat maging ‘trigger happy’ sina Pangulong Rodrigo Duterte at ang Kongreso sa pagdedeklara ng martial law sa pangambang magkaroon ng pang-aabuso sa karapatang pantao sa panahong umiiral ito.
Ito ang inihayag ni Genuine Opposition Leader at Albay Representative Edcel Lagman sa kanilang tatlongpo’t limang (35) pahinang memorandum na inihain sa Korte Suprema.
Bagama’t tinatanggap nila ang naunang pasya ng Korte Suprema na hindi maaaring gamitin ang mga argumento hinggil sa human rights abuses para ipawalang bisa ang naging deklarasyon ng pagpapalawig sa batas militar sa Mindanao, sinabi ni Lagman na hindi dapat magpadalos-dalos dito ang administrasyon.
Magugunitang kinontra ng Integrated Bar of the Philippines (IB), Lanao del Sur Chapter ang paggigiit ng militar na walang nangyaring pang-aabuso sa karapatang pantao sa panahon ng pag-iral ng martial law sa Mindanao mula nang sumiklab ang bakbakan sa Marawi City hanggang sa kasalukuyan.
Una nang itinanggi ng militar na may mga sundalo ang nasangkot sa pagnanakaw o looting sa iba’t ibang mga bahay at establisyemento sa Marawi City, sa halip ay itinuro ang Maute terrorist group na siyang nasa likod nito.