Iginiit ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte – Carpio na walang balak manatili sa puwesto ang kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang reaksyon ng Presidential Daughter kasunod ng paglutang ng term extension sa lahat ng mga kasalukuyang opisyal ng pamahalaan bunsod na rin ng isinusulong na charter change o Cha-cha.
Ayon sa alkalde, paulit-ulit aniyang binibigyang diin ng kanyang ama na gusto na nitong magretiro sakaling matapos na ang kaniyang termino sa 2022 at hindi na nito nais pang manatili pa sa puwesto.
Kasunod nito, inihayag din ng Presidential Daughter na hindi suportado ng Pangulo ang no elections o ‘no-el’ scenario dahil iginagalang nito aniya ang umiiral na demokrasya sa bansa.
Magugunitang ilang beses na itinanggi ng Malakanyang ang umano’y pinapalutang ng mga kritiko na layunin ng isinusulong ng pederalismo na palawigin ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sa katanuyan ay hindi pabor ang Pangulo na magkaroon ng ‘no election’ scenario sa taong 2019.
Ngayon pa lamang aniya ay pinatitiyak ng Punong Ehekutibo na gawing pinakamalinis na halalan sa kasaysayan ang botohan sa susunod na taon.