Wala umanong dapat na ilatag na kondisyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapalabas ng detalye ng kanyang bank accounts kung wala talaga itong itinatagong yaman.
Ito ang reaksyon ni Senador Antonio Trillanes sa pahayag ni Pangulong Duterte na handa niyang paimbestigahan at ilabas ang mga dokumento hinggil sa kanyang bank account.
Ipalalabas lamang umano ng punong ehekutibo ang detalye kahit kanino maliban kay Trillanes.
Iginiit ng Senador na ayos lamang kahit hindi ipakita sa kanya ang mga bank account basta’t ipalabas lamang ito at bagaman ilang beses na itong binabanggit ng Pangulo ay hindi naman nito ginagawa.
Mas mainam pa rin anya na lumagda si Pangulong Duterte sa isang waiver upang tiyak na makikita ng taumbayan ang kanyang bank accounts.
-Cely Ortega Bueno