Handa na si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pagdalo sa BAOA business Forum sa China ngayong araw.
Ala 6:00 kagabi ay lumapag sa Hainan Province ang eroplano lulan ang Pangulo kasama si Presidential Daughter at Davao City Mayor Sara Duterte at anak nitong si Stingray at ilang mga miyembro ng gabinete.
Inaasahang magsasalita ang Pangulo sa magiging pagpupulong ngayong araw na sasaksihan ng iba pang lider ng mga bansa.
Ngayong araw din magkakaroon ng pagpupulong sina Pangulong Duterte at Chinese President Xi Jinping kung saan inaasahang mapag – uusapan ang territorial dispute sa West Philippine Sea.
Dadalo rin sa nasabing forum si United Nations Secretary General Antonio Gutierrez ngunit hindi malinaw kung magkakaroon ng pagkakataon na makausap ito ng Pangulo.
Imbitado rin sa forum si dating Pangulo at ngayoy Pampanga Rep. Gloria Macapagal – Arroyo.
Pagkatapos ng forum sa Hainan ay tutulak naman ang Pangulo patungong Hong Kong para makipagpulong sa Filipino community duon.
Samantala, Sasalubungin ng kilos protesta ng ilang grupo ng Overseas Filipino Workers ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hongkong.
Mula sa BAOA forum sa Hainan, China inaasahang didiretso ang Pangulo sa Hongkong para kumustahin ang mga OFW duon.
Ayon sa grupong Migrante – Bayan, kabilang sa mga isyung i- po protesta nila ay ang isyu sa usapin sa overseas employment certificate, refund sa terminal fee, matagal na aplikasyon sa pasaporte at iba pa.
Hindi rin anila mawawala ang kanilang pagtutol sa pagtaas ng tax rates sa Pilipinas, mga patayan at umanoy mga paglabag sa karapatang pantao.
Inaasahang makikipag pulong naman ang Pangulo sa higit dalawang libong mga Pro- Duterte supporter na inorganisa ng embahada.