Nakahandang magbitiw sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte para bigyang daan ang pederalismo.
Ayon ito kay House Speaker Pantaleon Alvarez sa kabila ng paghayag ni Senate President Koko Pimentel na maaaring mapalawig ang termino ng Pangulo oras na maaprubahan ang bagong Saligang Batas sa 2019.
Paliwanag ni Alvarez, tiniyak ng Pangulo na matatapos ang kanyang termino sa 2022.
Maliban dito, ipinaalala din ni Alvarez ang pahayag noon ng Pangulo na kung ito lang ang masusunod ay nais niyang hanggang tatlong taon lamang na manungkulan bilang pinuno ng bansa lalo’t pagod na pagod na aniya siya.
Matatandaang sinabi ni Senate President Koko Pimentel na posibleng palawigin ang anim (6) na taong termino ni Pangulong Rodrigo Duterte ‘kung kinakailangan’.
Ayon kay Senate President Koko Pimentel ito ay sa sandaling magkaroon ng ‘transitory period’ sa ilalim ng pagpapalit ng sistema ng gobyerno patungo sa pederalismo.
Gayunman, nakadepende aniya ang term extension sa ‘transitory provisions’ at kung kailan aaprubahan ang bagong konstitusyon.
Kung sa taong 2019 pa aaprubahan ang bagong Saligang Batas, sa susunod na tatlong taon ang transitory period.
Maaari aniyang palawigin ang termino kung pabor dito ang Pangulo lalo’t kung magiging bahagi naman ang extension ng bagong konstitusyon na aprubado ng taumbayan.
—-