Nakahanda si Pangulong Rodrigo Duterte na putulin ang martial law sa Mindanao kahit wala pang isang taon.
Ito ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque ay kung matitiyak na wala nang banta sa seguridad sa rehiyon mula sa mga teroristang grupo.
Dagdag pa ni Roque, layunin lamang ng martial law extension na matiyak na maayos na maisasakatuparan ang rehabilitasyon ng Marawi City.
Inihalintulad ni Roque ang ilang beses na pagkabigo ng militar sa itinakda nilang deadline sa pagtuldok ng giyera sa Marawi City dahil sa pagsulpot ng mga kalaban ng estado.
Giit pa ni Roque, may basehan ang Pangulong Duterte sa pagpapalawig ng batas militar sa rehiyon lalo pa at ibinatay ito sa mga natanggap niyang report mula sa mga sundalo na nasa ground.
Senators in favor
Samantala, kumbinsido ang ilang senador sa inilatag sa kanilang mga dahilan at katwiran ng mga security officials kaugnay sa pagpapalawig ng martial law sa Mindanao.
Ayon kay Senate President Koko Pimentel at Majority Floor Leader Tito Sotto, makatwiran ang isang taong extension sa martial law dahil hindi tantyado ang tagal sa pagresolba ng rebelyon at terorismo sa Mindanao.
Matatandaang sa security briefing kahapon, ikinatwiran ng mga miyembro ng gabinete at mga security officials ang nakaambang panggugulo ng New People’s Army o NPA at teroristang grupo sa Mindanao.
Joint session
Positibo ang ilang kongresista na maaaprubahan ang martial law extension sa joint session ngayong araw.
Ito ay batay sa lumabas na sentimyento ng mga konresista sa idinaos na tatlong oras na caucus kasama ang mga security officials ng administrasyong Duterte.
Ayon kay House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas inaasahan ng aaprubahan ang hirit na palawigin ang batas militar sa Mindanao sa kanilang joint session kasama ang mga senador ngayong araw.
Nakatakdang magsimula mamayang alas-9:00 ng umaga ang naturang sesyon na susundan ng botohan.
—-