Hindi umano magdadalawang isip si Pangulong Rodrigo Duterte na magpadala ng Philippine Marines sa isla ng Boracay at pasabugan ng dinamita ang mga illegal na istraktura dito.
Ito ay kapag patuloy na nagmatigas ang mga may – ari ng resorts at tumangging sumunod sa magiging kautusan ng gobyerno.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque , nabatid niya na mismong ang lokal na pamahalaan na ng Aklan ang nagpasaklolo sa Pangulo para magpadala ng kanilang mga tauhan.
Iginiit din ni Roque na hindi mababago ang desisyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ipatupad ang environmental laws pati na ang pagde- demolish sa mga illegal structures sa isla.
Total closure ng Boracay inirekomenda ng DENR, DOT at DILG
Inirekomenda ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Tourism (DOT) at Department of Interior and Local Government (DILG) ang “total closure” sa isla ng Boracay sa loob ng isang taon.
Sa kanilang pagpupulong , nagkaisa sina Environment Secretary Roy Cimatu , Tourism Secretary Wanda Teo at Interior Officer –In- Charge Undersecretary Eduardo Año na magpatupad ng “complete closure” sa isla habang isinasailalim ito sa rehabilitasyon.
Maliban sa Boracay, tinalakay din sa pagpupulong ang planong pagsusuri sa iba pang tourists destination tulad ng Palawan , Mindoro Provinces , Ilocos at Bohol.
Nakatakdang isumite ng tatlong matataas na opisyal ang kanilang rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Mayo 26.
-Jopel Pelenio