Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng Filipino na patuloy na ipagtanggol ang demokrasya sa bansa kasabay ng pagdiriwang ng ika-120 anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Pangulong Duterte na dapat maging inspirasyon ng lahat ang ipinakitang pagkakaisa at kagitingan ng mga Filipinong bayani para makamit ang makabuluhan at pangmatagalang pagbabago sa lipunan.
Kasabay na rin aniya ng sama-samang pagsupil ng lahat sa kinahaharap na sakit ng kasalukuyang lipunan tulad ng korapsyon, iligal na droga at kriminalidad na humahadlang sa pag-unlad ng bansa.
Binigyang pagkilala rin ni Pangulong Duterte ang maalab na patriotismo ng mga ninunong Filipino na naging dahilan ng kalayaan ng bansa laban sa kolonyalismo at maging kaunaunahang demokratikong republika sa Asya.
—-