Inimbita ng European Union (EU) si Pangulong Rodrigo Duterte na bumisita sa Europa at dumalo sa Asia – Europe Meeting sa Oktubre.
Ayon kay EU Ambassador to the Philippines Franz Jessen, bagaman nagpadala sila ng mga kinatawan sa Malakanyang upang personal na imbitahan ang Pangulo, hanggang ngayon ay wala pang tugon mula sa Palasyo.
Hindi pa aniya nakabibiyahe sa Europa si Pangulong Duterte kaya’t matutuwa ang EU kung bibisita ang Punong Ehekutibo.
Sakaling tanggapin ng Pangulo ang imbitasyon, inaasahang bibisitahin niya ang EU Headquarters sa Brussels, Belgium maging ang iba pang bansang kasapi ng EU.
Matatandaang tinanggihan ng Pilipinas ang 6.1 milyong euro o 380 milyong pisong aid ng European Union.
Ito ang kinumpirma ni Jessen makaraang ibalik ng Pilipinas ang financial agreements ng trade-related technical assistance na lalagdaan sana noong isang taon.
Maka-ilang beses nang sinupalpal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang EU dahil sa mga kaakibat nitong kondisyon sa ipinamamahaging tulong sa Pilipinas.