Bigyan ninyo kami ng kapayapaan, dahil kailangan naming umunlad.
Ito ang iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng kanyang paglagda sa Proclamation 360 na tuluyang nagbabasura sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at NDF – CPP – NPA.
Ayon sa Pangulo, walang patutunguhan at patuloy na malulugmok sa kahirapan ang bansa kapag hindi natuldukan ang paghahasik ng kaguluhan ng teroristang grupong NPA.
Bilang Presidente aniya ay pinagsisikapan niyang paunlarin ang bansa pero kung hindi matitigil ang korapsyon, kriminalidad at baluktot na ideyolohiya ng NPA, hindi magkakaroon ng pag – angat ang buhay ng mga Pilipino partikular na ang mga nasa kanayunan.
Dagdag ni Pangulong Duterte, marami nang peace talks ang nangyari at umabot na sa limampung (50) taon ang pakikibaka ng NPA.
Ngunit, aniya, hanggang ngayon ay wala pa rin itong idinulot na mabuti para sa bansa, bagkus kaguluhan at pagkakawatak – watak ng mga kapwa Pilipino.