Mariing itinanggi ni Pangulong Rodrigo Duterte na may kumpas niya ang sunud-sunod na insidente ng pananambang at pagpatay sa mga pari ng Simbahang Katolika.
Ito ang binigyang diin ng Pangulo sa harap na rin ng nakaambang imbestigasyon ng Senado hinggil sa sunud-sunod na pag-atake o pananambang sa mga pari na pangungunahan ni Senador Risa Hontiveros.
Sa kaniyang talumpati sa Malacañang kahapon, sinabi ng Pangulo na ikinagulat niya ang nabasa niyang pahayag ni Lingayen – Dagupan Archbishop Socrates Villegas na nananawagan sa kaniya na tigilan ang pagpatay sa mga pari.
“Sabi ng nabasa ko, ‘Stop persecuting priests.’ Wala naman akong sinabi.”
Una rito, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ikinabahala ng Pangulo ang sunud-sunod na kaso ng pagpatay sa mga pari kung saan ang huli ay ang kaso ni Fr. Richmond Nilo ng Diocese of Nueva Ecija.
Ayon pa kay Roque, personal na tinututukan ni Philippine National Police o PNP Chief Director General Oscar Albayalde ang development sa imbestigasyon subalit tumanggi na siyang magbigay ng detalye hinggil dito.
Sa kabilang dako, muling binanatan ng Pangulo ang Simbahang Katolika dahil sa patuloy na pagbanat ng ilang obispo nito na tila pinalalabas sa publiko na masamang tao ang mga pulis at sundalo.
“Kung ikaw pari, kabitin mo ang asawa ng sundalo, kabitin mo ang asawa ng mayor, mamamatay ka talaga.”
“Alam mo yung pari is no better than me. Iyung mga pari dyan, tig-dalawang asawa.” “If these guys keep on shouting there, ilalabas ko (I will make this public).” Pahayag ng Pangulong Duterte
—-