Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang matagal na pamumuno ng Kristiyanong gobyerno ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin nareresolba ang insurhensiya sa Mindanao.
Ito rin, ayon kay Pangulong Duterte, ang dahilan kung bakit lagi na lamang naisasantabi at nababalewala ang hinaing ng mga Muslim.
Kung tutuusin aniya ay bago pa dumating si Magellan sa bansa at ipinalaganap ang Kristiyanismo, naninirahan na sa Mindanao ang mga Moro.
Tiniyak ng Punong Ehekutibo na mabibigyan ng malaking pagkakataon ang mga Muslim na marinig ang kanilang mga hinaing partikular na ang matagal na nilang ipinanawagan na isulong ang Bangsamoro Basic Law o BBL.