Nagdeklara na ng sampung araw na Suspension of Military Operations o SOMO si Pangulong Rodrigo Duterte para sa diwa ng Kapaskuhan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, epektibo ang unilateral ceasefire sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army o CPP-NPA simula sa Disyembre 24 hanggang Enero 2 sa susunod na taon.
Dagdag ni Roque, makababawas din sa agam agam ng publiko sa seguridad sa bansa ang ipatutupad na tigil opensiba ng tropa ng pamahalaan.
Umaasa naman ang Malacañang na magiging positibo ang tugon ng CPP-NPA at magdedeklara rin ito ng tigil putukan.
Gayundin, umaasa ang Malacañang na sa ganitong okasyon ay makikita ang pagkakaisa ng mga Pilipino bilang isang nasyon na naghahangad ng kapayapaan para sa bansa.
(Ulat ni Jopel Pelenio)