Nakatakdang bumiyahe si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kuwait upang saksihan ang paglagda sa kasunduan para sa proteksyon ng mga Overseas Filipino Worker sa nasabing bansa.
Ayon kay Pangulong Duterte, pumayag na ang Kuwaiti government sa kanyang mga kondisyon kabilang ang maayos na trato sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kuwait.
Bagaman hindi idinetalye ng Punong Ehekutibo kung kailan siya bibiyahe, inihayag naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III na lalagdaan ang Memorandum of Agreement, ngayong buwan.
Pebrero nang ipatupad ni Pangulong Duterte ang deployment ban ng mga Filipino migrant worker sa Kuwait matapos ang madiskubre ang bangkay ni Joanna Demafelis na mahigit isang taon ng nasa loob ng isang freezer.
—-