Pag-aaralan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga naging bunga at pakinabang ng Pilipinas sa ASEAN – EU dialogue partnership sa loob ng apat na dekada.
Ito’y matapos ang mainit na pagtanggap ni Pangulong Duterte sa kinatawan ng European Union o EU na si European Council President Donald Tusk sa ASEAN – EU 40th Commemorative Summit sa PICC, Pasay City.
Ayon sa Punong Ehekutibo, mahalaga ang ASEAN – EU relationship na nagdulot ng masiglang kalakalan at pamumuhunan sa rehiyon.
Sinabi naman ni EU President Tusk na lubos nilang pinahahalagahan ang mabungang apat na dekadang ugnayan ng ASEAN at EU na nagresulta sa mas pinaigting na kooperasyon ng dalawang regional bloc upang magkatuwang na labanan ang terorismo, radikalisasyon at iba pang mga banta ng kaguluhan na dulot ng extremists groups.
PDuterte handang makipag-tulungan sa EU
Harap-harapang iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte kay European Council President Donald Tusk na bukas siya sa pakikipag-tulungan sa European Union sa ngalan ng pag-respeto sa usaping panloob at soberanya ng isang estado.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ito ang binigyang diin ni Pangulong Duterte sa pakikipag-dayalogo niya kay Tusk sa 40th ASEAN – EU Commemorative Summit.
Ibinahagi din aniya ng Punong Ehekutibo ang kanyang pagnanais na maisulong ang drug free ASEAN sa paraan na magiging katanggap-tanggap ito sa iba’t-ibang bansa.
Iginiit din ng Pangulo na dapat ding tratuhin ang problema sa iligal na droga bilang isang transnational issue.