Posibleng bumiyahe si Pangulong Rodrigo Duterte upang samahan ang siyam (9) na iba pang leader ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa India para sa Republic Day Celebrations ngayong buwan.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ipo-promote ni pangulong Duterte ang trade at investments sa kanyang posibleng pagbisita sa New Delhi kasabay ng 25th Anniversary ng pagkakatatag ng ugnayan ng India sa ASEAN.
Bukod sa India, plano ding bumisita ng Punong Ehekutibo sa South Korea at Israel.
Gayunman, pinag-uusapan pa aniya ng Department of Foreign Affairs (DFA) at mga host country ang planong pagbisita ni Pangulong Duterte.
Sa sandaling maisapinal, sa India ang unang foreign trip ng Pangulo ngayong taon.