Posibleng natatakot si Pangulong Rodrigo Duterte sa imbestigasyon ng International Criminal Court matapos ang kanyang deklarasyon na kakalas na ang Pilipinas sa Rome Statute, ang tratadong lumikha sa I.C.C.
Ayon kay Act Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio, ang pagkalas sa Rome Statute ay indikasyon na nagpa-panic na si Pangulong Duterte sa takot na humarap sa paglilitis ng I.C.C. sa kasong crimes against humanity kaugnay sa war on drugs.
Gayunman, hindi naman anya maliligtas ng punong ehekutibo ang sarili nito sa imbestigasyon ng I.C.C.
Ipinunto ni Tinio na alinsunod sa Article 127 ng Rome Statute ay magiging epektibo lamang ang “withdrawal” isang taon matapos matanggap ng I.C.C. ang Receipt of Notice.
Samakatuwid ay may otoridad pa ang nasabing Korte na ipagpatuloy ang imbestigasyon at may obligasyon ang Pilipinas na makipagtulungan lalo’t sinimulan na ang pagsisiyasat sa war on drugs ng Duterte Administration.