Nandigan si pangulong rodrigo duterte na wala siyang balak na palawigin ang kanyang termino sa oras na maisulong ang pag-amyenda sa konstitusyon at pederalismo.
Sa kanyang talumpati sa Mawab, Compostella Valley, sinabi ng Pangulo sa harapan ng mga sundalo na hindi niya ambisyong magtagal pa sa puwesto, taliwas sa pinapalitaw ng kanyang mga kritiko at ng mga kontra sa charter change o Cha-cha.
Hamon pa ng Pangulo sa miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na barilin siya agad sa oras na lumagpas kahit isang araw lang sa kaniyang termino.
Magugunitang ilang beses na itinanggi ng Malakanyang ang umano’y pinapalutang ng mga kritiko na layunin ng isinusulong ng pederalismo na palawigin ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sa katanuyan ay hindi pabor ang Pangulo na magkaroon ng ‘no election’ scenario sa taong 2019.
Ngayon pa lamang aniya ay pinatitiyak ng Punong Ehekutibo na gawing pinakamalinis na halalan sa kasaysayan ang botohan sa susunod na taon.