Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Pilipino na ipagtanggol ang kalayaan at labanan ang anumang pag-atake sa soberanya ng bansa.
Ito ang mensahe ni Pangulong Duterte sa sambayanan bilang bahagi ng paggunita sa Araw ng Kagitingan.
Pinapurihan din ng Punong Ehekutibo ang katapangang ipinamalas ng mga sundalong Pilipino at Amerikano partikular sa Bataan 76 taon na ang nakararaan upang ipagtanggol ang bansa laban sa mga Hapones.
Hindi aniya mabatid kung gaano karaming pawis, dugo, luha ang dumanak at buhay ang ibinuwis upang matiyak na magiging malaya ang mga mamamayan.
Ipinunto ni Pangulong Duterte na utang na loob din natin sa ating mga ninuno ang kalayaang tinatamasa ng bansa ngayon dahil sa kanilang ipinamalas na kagitingan mahigit pitong dekada na ang nakalipas.
—-