Hindi nagustuhan ng grupong Gabriela ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ayaw niya umano na isang babae ang susunod na magiging Ombudsman.
Sa isang pahayag sinabi nina Gabriela Representatives Emmi de Jesus at Arlene Brosas na tila naduduwag yata si Pangulong Duterte sa mga kababaihan at lagi na lamang may pahayag ito laban sa kanila.
Inalala ng dalawang kongresista ang ilan sa nakaraang naging mga pahayag o biro ng Pangulo kung saan ang nilalaman ay patungkol sa mga kababaihan.
Gaya na lamang umano nang ipag-utos ni Pangulong Duterte sa mga sundalo na barilin sa ari ang mga babaeng miyembro ng New People’s Army o NPA at ang pagpapahintulot umano na tanggalin ang comfort woman statue sa Maynila.
Magugunitang, sinabi ng Pangulo sa isang panayam sa MMalacañang na ang nais niyang susunod na maging Ombudsman ay kinabibiliban ng tao dahil sa kanyang integridad, hindi pulitiko at lalong hindi isang babae.
—-