Kumpiyansa ang Pambansang Pulisya na mapananatili nila ang mababang antas ng krimen sa unang dalawang taon ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap na rin ng pinaigting na kampaniya nito kontra krimen.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, naniniwala siya na magiging mas epektibo pa ang kanilang mga ipinatutupad na kampaniya sa susunod na taon dahil sa mas pinaigting na ugnayan ng pulisya sa mga komunidad gayundin sa ipinatutupad na internal cleansing sa kanilang hanay.
Batay sa datos ng PNP mula Hulyo 1 ng taong 2016 hanggang Hunyo 30 ngayong taon, nasa 46 porsyento ang ibinaba ng antas ng krimen sa buong bansa.
Kumpara ito sa 20 porsyentong ibinaba ng antas ng krimen na naitala mula noong Hulyo 1 ng taong 2014 hanggang Hunyo 30 ng taong 2016.
Ibinida rin ni Albayalde na malaki ang naiambag ng kampaniya kontra iligal na droga ng administrasyon para pababain ang antas ng krimen sa bansa.
Kasunod nito, tiniyak ni Albayalde sa publiko na mananatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong bansa dahil sa repormang ipinatutupad ng kanilang hanay gayundin ang magandang relasyon ng mga pulis sa publiko.
—-