Muli nang uusad ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng partido komunista ng Pilipinas sa Hunyo 28.
Inaasahang malalagdaan ng dalawang panig ang tinatayang nasa tatlong mahahalagang mga kasunduan sa muling paghaharap nila sa Oslo, Norway.
Kabilang dito ang interim peace agreement na siyang inaasahang magiging susi para sa isang pinal na resolusyon na tutuldok sa mahigit limang dekada nang insurgency sa Pilipinas.
May kinalaman naman sa coordinated ceasefire at agrarian reform ang sinasabing iba pang mga kasunduang posibleng malagdaan kung walang magiging aberya.
Magugunitang sinuspinde ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usapang pangkapayapaan matapos ang opensiba ng npa sa mga tropa ng militar.
Sa kanyang naging talumpati para sa ika-120 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Kawit Cavite, muling tiniyak ng Pangulong Rodrigo Duterte na ligtas na makakabalik sa Netherlands si CPP Founding Chairman Jose Maria Sison sakaling hindi magtagumpay ang peace talks.
Ayon sa Pangulo, personal niyang ihahatid sa airport si Sison upang makita niya itong ligtas na sasakay sa eroplano.
Gayunman, nagpahayag ng pag-asa ang Pangulo na magtatagumpay na rin sa pagkakataong ito ang peace talks sa komunistang grupo.
—-