Iminungkahi ni dating Congressman Neri Colmenares na ituloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng CPP-NPA-NDF at ng pamahalaan kahit walang tigil-putukan.
Ito ay matapos na ipatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang peace negotiations dahil sa sunud-sunod na pag-atake ng NPA sa mga tropa ng pamahalaan.
Sa panayam sa Karambola sa DWIZ, sinabi ni Colmenares na maraming mga Pilipino na ang umaasam ng pangmatagalang kapayapaan sa bansa para na rin sa kapakanan ng susunod na henerasyon.
“Lahat ng kababayan natin ay matagal nang inasaaam ang lasting peace sa bansa, anything na dapat nating gawin to preserve the peace talks, we should do. Ayaw naman natin na mag-suffer pa ‘yung susunod na henerasyon dahil sa hindi matapos-tapos na bakbakan. So what’s the way forward? Pwedeng ituloy ang peace talks. Magkahiwalay ang peace talks at magkahiwalay din ang ceasefire. May mga peace process din naman sa mundo ang nagpapatuloy kahit walang ongoing ceasefire o tigil-putukan.” Ani Colmenares.
Samantala, sinabi rin ni Colmenares na dapat ring matugunan ng pamahalaan ang mga tinatawag na ugat na rebelyon upang maging matagumpay ang usapang pangkapayapaan.
“Ang roots of the conflict kasi rito ay injustice, poverty, discrimination, may nagtutulak talaga sa kanila para mag-organisa ng rebelyon laban sa gobyerno. Ngayon ang major goal kasi ng peace process ay i-address ang roots of the conflict, kapag hindi mo na-address ito balewala na ito. Kaya sa Mindanao, walang katapusan ‘yung bakbakan kasi hindi na-aaddress ang poverty yung injustice, kahit magpirmahan pa rin kayo ng MNLF, kung mahirap pa rin ang tao at as long as there is the basis for war, madaling mag-organize ng grupo kasi maraming gustong sumama.” Dagdag ni Colmenares
Sa huli, inihayag ni Colmenares ang kahalagahan ng panunumbalik ng tiwala at ang pagkakaroon ng monitoring committee upang maipagpatuloy ulit ang usapang pangkapayapaan.
“Kailangan talaga ng tiwala sa isa’t isa para mapatunayang sincere ang dalawang panig sa pagkamit ng kapayapaan. Mahalaga rin ang pagkakaroon ng monitoring committee para may magte-take note at command hinggil sa mga paglabag na maaring mangyari. Wala pa namang official paper si President Duterte, public announcement pa lang naman ito so we are still hoping that the peace process will still continue.” Pagtatapos ni Colmenares.
By Ira Cruz | Credit to: Karambola (Interview) Catch it weekdays 8:00-9:30 in the morning with Jojo Robles, Conrad Banal, Jonathan dela Cruz and Prof. Tonton Contreras