Inilalatag na ang mga detalye sa pagbuhay muli sa peace talks sa CPP-NPA-NDF.
Inihahanda na ng NDF ang framework para sa isang dialogue at sa katunayan ay nagpadala ng advanced delegation sa Davao City.
Ayon naman kay Jesus Dureza, itinalagang peace adviser ng Duterte administration, nasa Davao si NDF Spokesman Fidel Agcaoili sa gitna nang paghahanda ng incoming government sa posisyon nito sa peace process.
Inihayag naman ni Manuel Quinob, isang peace advocate na kabahagi na sa mga naunang negosasyon mayroon na silang schedule nang pakikipag-usap kay Agcaoili.
Sison
Nanindigan si Communist Party of the Philippines Founder Jose Maria Sison na magiging bahagi lamang sila ng Duterte administration kung magkakaroon ng peace agreement.
Ayon kay Sison, walang sinumang opisyal o miyembro ng CPP at National Democratic Front of the Philippines ang maaaring maging bahagi ng gabinete ni presumptive president Rodrigo Duterte habang mayroong peace negotiations.
Gayunman, maaari naman anyang hilingin ng mga communist leader ang mga “Makabayan at Progresibong” hindi miyembro ng armadong kilusan na umanib sa susunod na administrasyon habang may usapang pang-kapayapaan.
Iginiit ni Sison na ang mga “Makabayan at Progresibong” personalidad ay may kakayahan, husay, sipag at katapatan na kailangan para sa mga pwestong dapat punan sa gabinete ng susunod na Pangulo.
By Judith Larino | Drew Nacino