Muling bubuhayin ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng liderato ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front o CPP-NPA-NDF.
Ito ang inanunsiyo sa isang press briefing sa Malakanyang ni Sec. Carlito Galvez JR. Head ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity.
Ayon kay Galvez, nagkasundo ang gobyerno at ang grupo ng mga komunista na bumalik sa negotiating table para pag-usapan ang sinasabing hindi pagkakaunawaan ng magkabilang panig.
Aniya, bahagi ito ng layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makamit ang pangmatagalang kapayapaan at tapusin ang armed conflicts sa bansa sa mapayapang paraan.
Nabatid na natalakay sa kasunduan ay tungkol sa peace talks at wala ring napag-usapan hinggil sa posibleng pagbababa ng armas ng mga rebelde.
Samantala, tuloy ang pagtugis ng mga tropa ng pamahalaan sa mga kalaban ng gobyerno gaya ng mga kasapi ng NPA.
Binigyang diin ni Galvez na ang joint statement ay produkto ng serye ng mga informal discussion sa the Netherlands at Norway na nagsimula noong 2022 sa pagitan ng pamahalaan at mga emisaryo ng GRP-NDFP, kasama ang Royal Norwegian Government.
Samantala, sinabi ni National Security Adviser Eduardo Año na magpapatuloy ang mga developments projects sa mga komunidad bilang bahagi ng kampanya ng gobyerno laban sa insurgency. - sa panulat ni Jeraline Doinog mula sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)