Tuluyan nang isinara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pintuan ng usapang pangkapayapaan sa mga komunistang grupo matapos nitong pormal na lagdaan ang Proclamation 360 o ang pormal na kanselasyon ng peace negotiations.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, inatasan na ng Pangulo ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process o OPAPP at ang Government Peace Panel na tuluyan nang itigil ang mga nakatakdang pakikipagpulong sa CPP-NPA at NDF.
Giit ng kalihim, ginawa na ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito para isulong ang huling yugto ng peace talks subalit tuloy pa rin aniya ang mga pag-atake, panggugulo at paghahasik nila ng karahasan partikular na sa mga kanayunan.
Bigo aniya ang mga rebelde na ipakita ang kanilang sinseridad sa pagsusulong ng kapayapaan at makabuluhang negosasyon pero umaasa aniya ang Pangulo na makakamit din sa hinaharap ng Pilipinas ang inaasam na kapayapaan.
Kasunod nito, nilinaw ni Roque na hindi awtomatikong ituturing na legal front ng CPP-NPA ang mga militanteng grupo dahil tiyak aniyang kukuha ng payo ang Pangulo sa kaniyang security intel group para tukuyin kung sino ang nakikipagsabwatan sa mga komunista.
—-