Tiniyak ng Malacañang na walang magiging epekto sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan, NPA o New People’s Army , MNLF o Moro National Liberation Front at MILF o Moro Islamic Liberation Front ang opensiba ng militar laban sa mga terorista sa Mindanao.
Ayon kay Solicitor General Jose Calida, wala ni isa man sa tatlong grupo ang may kinalaman sa nangyayaring rebelyon ngayon ng Maute at Abu Sayyaf sa Marawi City.
Gayunman, nilinaw ni AFP Spokesman Brig. General Restituto Padilla na ipatutupad nila ang batas sa lahat ng mga nasa Mindanao, anuman ang grupong kanilang kinabibilangan.
Iginiit pa ni Padilla na ang layunin ng deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao ay upang mapanumbalik ang kaayusan at kapayapaan sa Mindanao kaya’t ibayong tiwala ng publiko sa kanilang sandatahang lakas ay lubhang kailangan sa mga panahong ito.
NDFP vs. terrorism
Samantala, umaasa si CPP-NPA Founding Chairman Jose Maria Sison na hindi maaapektuhan ng idineklarang Martial Law sa Mindanao ang gumugulong na usapang pangkapayapaan sa pagitan nila at ng pamahalaan.
Ito’y makaraang palagan ni Sison ang naging pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang NPA o New People’s Army umano ang target ng deklarasyon ng Pangulo.
Kasunod nito, kinumpirma ni Joma na tiniyak sa kanya ng Government Peace Panel na hindi target ng Martial Law ang mga NPA sa mga kanayunan partikular na ang mga nasa Mindanao.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte aniya ang nagsabi kay NDFP Peace Panel Chief Fidel Agcaoili na dapat magtulungan ang kanilang hanay at ang pamahalaan para labanan ang mga terorista.
Dahil dito, tiniyak ni Sison ang pagtulong ng NDFP sa layunin ng pamahalaan na maibalik sa normal ang sitwasyon sa Mindanao kasunod ng naging pag-atake ng Maute Group sa Marawi City na kanila ring kinukondena.
By Jaymark Dagala
Peace talks tiniyak na hindi apektado ng Martial Law was last modified: May 27th, 2017 by DWIZ 882