Muling ilulunsad ng pamahalaan ang peacetalks sa Moro Islamic Liberation Front o MILF kasama ang buong Bangsamoro sector.
Ayon kay Presidential Peace Adviser Jesus Dureza, inatasan na sila ng Pangulong Rodrigo Duterte na magtungo sa Malaysia sa susunod na dalawang linggo para sa relaunching ng peacetalks.
Una rito, sinabi ng Pangulo na maglalaan siya ng 10 araw para manatili sa Mindanao para buuin ang framework of peace kasama ang MILF at maging ang MNLF o Moro National Liberation Front ni Chairman Nur Misuari.
Sinabi ng Pangulo ang kahandaan niyang bigyan ng safe conduct pass si Misuari upang makadalo ito sa mga pulong.
Binigyang diin ng Pangulo na hindi naman makakamit ang kapayapaan kung walang mangyayaring pag-uusap.
Matatandaan na wanted sa batas si Misuari dahil sa pag-atakeng ginawa ng kanyang grupo sa Zamboanga.
By Len Aguirre
Photo Credit: opapp.gov