Kumpiyansa ang Malacañang na hindi madidiskaril ang peace talks sa kilusang komunista kaugnay sa isyu ng pagkalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ipinabatid ni Government Peace Negotiator at Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi kasama sa nailatag na usapin sa negotiating table ng CPP-NPA-NDF ang isyu sa mga Marcos.
Natural lamang aniya na maglabas ng hinaing ang National Democratic Front at Communist Party of the Philippines dahil naapektuhan sila nang ideklara ni Marcos ang martial law.
Pero, sinabi ni Bello na malinaw na wala sa mga pinag-uusapan ngayon ng government at NDF panel ang usapin sa Marcos burial kaya’t hindi maaapektuhan ang isinusulong na preliminary talks.
Nauna nang nagpahayag ng pagkadismaya ang kilusang komunista kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil pinayagan nitong mailibing ang dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
By: Meann Tanbio / Aileen Taliping