Nangangamba si Atty. Christian Monsod, miyembro ng 1986 Constitutional Commission, sa posibleng agenda ng administrasyong Duterte sa isinusulong na pederalismo.
Ayon kay Monsod, tila nag-iba ang ihip ng hangin dahil dati’y panay ang sabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na agad siyang bababa sa puwesto oras na mapalitan ang presidential-unitary government patungong pederal.
Giit ng abogado, maaaring ipinoporma ang pederalismo para mapako sa puwesto ang Presidente.
Subalit binigyang-diin ni Senate President Koko Pimentel, hindi puwedeng sabihing “Duterte Version” ang federalism dahil 1982 pa lamang ay ito na ang isinusulong ng PDP-Laban kung saan siya ang Presidente.
Matatandaang sinabi ni Senate President Koko Pimentel na posibleng palawigin ang anim (6) na taong termino ni Pangulong Rodrigo Duterte ‘kung kinakailangan’.
Ayon kay Senate President Koko Pimentel ito ay sa sandaling magkaroon ng ‘transitory period’ sa ilalim ng pagpapalit ng sistema ng gobyerno patungo sa pederalismo.
Gayunman, nakadepende aniya ang term extension sa ‘transitory provisions’ at kung kailan aaprubahan ang bagong konstitusyon.