Nilinaw ng Department of Trade and Industry (DTI) ang naunang anunsyo kaugnay ng iba pang serbisyo na maaari nang muling i-alok ng mga salon at barbershops.
Ayon kay Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, tanging mga hair-related services tulad ng hair treatment lamang pinayagang gawin sa mga salon at barbershops na nasa mga lugar na sakop ng general community quarantine (GCQ).
Habang ang mga karagdagang serbisyo sa salon at barbershops tulad ng pedicure, manicure, at massage ay pinapayagan lamang sa mga lugar na nasa modified GCQ.
Sinabi naman ni Lopez na kanilang ipalalabas ang guidelines para rito ngayong araw.
Magugunitang, inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagbabalik operasyon ng mga salons at barbershops noong Hunyo 7 bagama’t limitado lamang ito sa pagpapagupit ng buhok.