Inakusahang peke ng Philippine Army ang fact finding mission na nag-iimbestiga sa di umano’y paglabag sa karapatan ng mga Lumad.
Ayon kay Army Spokesman Col. Benjamin Hao, iniimbestigahan nila ang anim na dayuhang miyembro ng fact finding mission at plano nilang ipadeport at pagbawalan nang makapasok uli sa Pilipinas.
Inakusahan ni Hao ng pagiging bias ang fact finding mission.
Iligal aniya ang partisipasyon dito ng mga dayuhan dahil wala naman silang mandato mula sa kanilang pamahalaan o ng kahit anong international organization para makialam sa internal affairs ng isang bansa tulad ng Pilipinas.
Kinilala ang mga dayuhan na sina Jonas Straetsmans ng Belgium, Dalkiran Metin at Hans Schaap na kapwa Dutch nationals, Gill Boehringer na isang abogagdo mula sa Sydney Australia at Henry Langston at Philip Callies ng Vice News London.
Sinabi ni Hao na tinitignan na rin nila ang pananagutan ng mga Pilipinong kasama rin sa fact finding mission.
Napag-alamang kasama sa mga miyembro ng fact finding mission si Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate.
By Len Aguirre