Tinanggal na ng Facebook ang nasa tatlong poser o pekeng account na nagpapanggap bilang si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Camilo Cascolan.
Ayon sa pnp public information office, ginagamit ang mga naturang facebook account para makapanloko online at estafa.
Tinukoy ni PNP Anti-Cybercrime Group Director Police Brig. General Marvin Manuel Pepino ang pangalan ng mga naturang pekeng Facebook account bilang “Camilo Pancratius Pikoy Cascolan”, “Camilo P Cascolan” at “Camilo Cascolan”.
Batay sa imbestigasyon ng PNP cybercrime, nanghihingi ng pera o donasyon ang mga naturang Facebook account mula sa kanilang mga biktima para umano sa ilang social welfare at humanitarian proects.
Kaugnay nito, pinadalhan na ng Subpoena ang nasa apat na person of interest at inatasang humarap sa regional field units ng Criminal Investigation and Detection Group para sa imbestigasyon.