Isang barangay chairman sa Tondo, Maynila ang pinagpapaliwanag ng Manila City government matapos piliin lamang nito ang binigyan ng relief o food packs sa kaniyang nasasakupan.
Kasunod ito ng reklamong natanggap ng Manila Police District (MPD) Special Mayors Reaction Team (SMART) hinggil sa kuwestyonableng mga pangalan ng residene ng barangay ni Chairman Reynaldo Angat na pinagbatayan nang pamamahagi ng relief goods.
Inatasan ni Police Major Rosalino Ibay Jr., pinuno ng MPD-SMART si Angat na ipaliwanag kung bakit ang 29 katao na naninirahan sa 1781 Almeda St. sa Tondo, Maynila ay ikinukunsiderang magkakahiwalay na pamilya.
Natuklasan ni Ibay na ang ibinigay na address ni Angat ay isang pribadong business establishment na pag-aari ng barangay chairman.
Pinagpapaliwanag din ni Ibay si Angat kung bakit pawang kamag-anak niya at mga trabahador sa business establishment ang nasa naturang listahan.
Si Angat ay kakasuhan nang paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act, Code of Conduct and Ethical Standard for Public Official and Employees, at Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Mahigpit na ipinag utos ni Manila Mayor Isko Moreno kay Ibay na panagutin si Angat sa baluktot nitong gawain para walang magutom na Manileño.
Target ni Moreno na makapagmahagi ng 350,000 food boxes para sa mahigit 300,000 pamilya o kabuuang 1.8- milyong residente ng Maynila.