Sinampahan na ng Metropolitan Manila Development Authority ng kaso ang isang pekeng MMDA Traffic constable na nahuli sa Quezon City, kahapon.
Nasakote ng mga operatiba ng Galas Police Station 11 ang suspek na si Reynante Pascasio, 40 anyos, na nagpanggap na MMDA Traffic Constable sa kanto ng Araneta Avenue at Palanza street.
Ayon kay Police Officer 2 Roel Rue, suot ni Pascasio ang kumpletong MMDA uniform na may logo at patch ng watawat ng Pilipinas nang mahuling nakatayo sa gilid ng kanyang motorsiklong naka-blinker na ipinagbabawal.
Napag-alaman naman ni MMDA Traffic Operations Officer Elpidio Tañeca na hindi empleyado ng ahensya ang suspek at pekeng uniform ang suot nito.
Nahaharap naman si Pascasio sa kasong usurpation of authority, illegal use of uniform and insignia at illegal use of sirens and wang-wang.