Maagang tinanggal sa mga sinehan ang kontrobersyal na pelikulang Oro bago tuluyang magtapos ang pagpapalabas ng sa mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival o MMFF.
Ito’y kasunod ng isyu ng pagpatay sa isang aso habang ginagawa ang nasabing pelikula na umani ng kaliwa’t kanang batikos mula sa mga animal rights group.
Una nang binawi ng MMFF Executive Committee ang iginawad na Fernando Poe Jr. Memorial Award for Excellence makaraang kumpirmahin ang ginawang pagpatay sa naturang aso.
Nakasaad sa Animal Welfare Act ang mahigpit na pagbabawal sa alinmang uri ng pagmamalupit sa mga hayop kabilang na ang pagpatay sa mga aso para sa kanilang karne.
‘A dog was killed’
Hindi naitago ni Film Development Council of the Philippines o FDCP Chairman Liza Diño ang kanyang pagkadismaya.
Ito’y makaraang aminin sa kanya ng production team ng MMFF entry na Oro ang ginawang pagpatay sa isang aso habang ginagawa ang naturang pelikula.
Ayon kay Diño, iginiit ng production team na wala sa kanilang mga miyembro at maging cast ang nakisali sa pagpatay sa nasabing aso.
Kaya’t ito aniya ang nagbigay sa kanila ng sapat na dahilan upang bawiin ang iginawad na FPJ Award for Excellence sa nasabing pelikula.
By Jaymark Dagala