Mananatili sa kaniyang piitan sa Kampo Aguinaldo si US Marine Lance Cpt. Joseph Scott Pemberton na pangunahing suspek sa pagpatay kay Pinay transgender na si Jennifer Laude.
Ito ang ipinabatid ng abogado ni Pemberton na si Atty. Rowena Flores habang inihahanda pa ng kaniyang kliyente ang mga rekesitos na kailangan sa kaniyang paglaya.
Ayon kay Flores, maliban sa resulta ng COVID-19 swab test kay Pemberton, hinihintay din nila ang clearance na magmumula naman sa National Bureau of Investigation (NBI).
Kahapon, pormal nang inilipat ng Bureau of Corrections (BuCor) sa Bureau of Immigration (BI) ang pagbabantay kay Pemberton habang isinasaayos pa ang deportation para rito.
Nananatili namang mahigpit ang seguridad sa loob ng Kampo Aguinaldo mula pa kahapon bunsod ng pagbisita ng Chinese defense minister gayundin ang nagpapatuloy na disinfection sa mga tanggapan sa loob nito.