Posibleng mawala sa kustodiya ng Pilipinas si US Lance Corporal Joseph Pemberton, ang sundalong Amerikano na nahatulan sa kasong pagpatay sa transgender na si Jennifer Laude noong October 2014.
Ito ang pinangangambahan ni Senadora Imee Marcos, oras na tuluyan nang makansela ang Visiting Forces Agreement (VFA).
Ayon kay Marcos, nabibigyan ng VFA ng legal na hurisdiksyon ang Pilipinas sa mga sundalong Amerikano na nakagagawa ng krimen o paglabag sa anumang batas sa bansa.
Dagdag ni Marcos, maaari ding hilingin ng Amerika ang maagang pagpapalaya kay Pemberton kung tuluyan nang ibabasura ng pamahalaan ang VFA.
Iginiit naman ng senadora na salip na VFA, ibasura na lamang aniya ang EDCA na nagpapahintulot aniya sa US military na balewalain ang bahagi ng konstitusyon ng Pilipinas na nagbabawal sa pagtatayo ng base militar sa bansa. — ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)