Isinusulong ngayon ni Senador Antonio Trillanes IV na dagdagan ang pensiyon ng pangulo at pangalawang pangulo ng bansa.
Batay sa Senate Bill Number 1683, ipapantay ang pensyon ng mga naging presidente at bise presidente ng Pilipinas sa suweldong tinatanggap ngayon ng mga miyembro ng gabinete na nagkakahalaga ng mahigit P100,000.
Sa kasalukuyan kasi ang buwanang pensiyon na tinatanggap ng nasabing dalawang mataas na opisyal ay nagkakahalaga lamang ng P8,000.
Paliwanag ni Trillanes marapat lamang na itaas ang kanilang pensyon bilang pagkilala sa minsan nilang pamumuno sa bansa.
Bukod pa rito, bibigyan din sila at ang kanilang immediate family ng security detail mula sa Philippine National Police o PNP at libre sa postal services.
Mayroon din sila at ang kanilang security escort na 50 porsyentong diskwento sa pasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Diskuwalipikado naman sa nasabing pensyon kapag na-impeach at humawak ng ibang puwesto sa gobyerno ang isang naging pangulo na at pangalawang pangulo.
—-