Handa nang ipasisilip sa publiko simula bukas ang People Power experiential museum sa Camp Aguinaldo.
Ang nasabing museo ay kumbinasyon ng mga elemento ng theater, cinema, photography, performances at installations.
Layon ng nasabing museum na ipakita sa mga kabataan ang mga naging kaganapan kaugnay sa Martial Law at EDSA People Power 1 na nakatakdang gunitain bukas.
Sinabi ni AFP PIO Chief Col. Noel Detoyato na gagawin ng EDSA People Power Commission ang unang screening ng mga bisita.
Ipinabatid naman sa DWIZ ni Assistant Secretary Celso Santiago, Spokesman ng EDSA People Power Commission na handa na ang mga aktibidad sa paggunita ng anibersaryo ng people Power bukas, kung saan ang focus ng pagdiriwang ngayong taon ay mga kabataan sa ilalim ng temang “Pagbabagong Ipinaglaban N’yo, Itutuloy Ko”.
Sa katunayan sinabi ni Santiago na noong isang linggo pa sinimulan ang ilang aktibidad hinggil sa pagdiriwang tampok ang mga kabataan.
By Judith Larino