Nakumpiska ng mga otoridad ang mahigit sa 600,000 pisong cash at ilang kontrabando sa isinagawang oplan greyhound sa Metro Manila District Jail sa Lower Bicutan, Taguig City.
Ikinasa ng pinagsanib na pwersa ng PNP, BJMP at PDEA ang sopresang inspeksyon matapos makatanggap ng impormasyon ng umano’y transaksyon ng iligal na droga sa loob ng nasabing piitan.
Nakuha sa isa sa mga selda ang nasa 630,000 pisong cash na pag-aari umano ng isang nakapiit na nahaharap sa kasong murder.
Habang nakumpiska naman sa iba pang selda ang iba’t ibang bank receipts na may libo-libong halaga ng transaksyon, dalawang celllphone, ilang imporvised na patalim at dalawang telebisyon.
Ayon kay NCRPO Director Chief Supt. Guillermo Eleazar, kanilang aalamin ang laman ng mga nakuhang bank receipts habang pagpapaliwanagin ang presong nakuhanan ng malaking halaga ng cash.
Aabot sa 369 ang nakapiit sa Metro Manila District Jail kung saan karamihan ay high risk tulad ng mga miyembro ng Abu Sayyaf, New Peoples Army at mga sindikato.
(with report from Jaymark Dagala)