Sayang lamang ang pera ng bayan sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na umano’y puro kalokohan.
Binigyang diin ito nina Senador Joel Villanueva at Sherwin Gatchalian kaya’t target nilang patanggalan ng budget ang NTF-ELCAC.
Ayon kay Villanueva, mas mabuting gamitin ang P19-bilyon na budget ng task force sa pagbibigay ng ayuda.
Sinabi naman ni Gatchalian na hindi sulit ang pondo ng bayan para ipansuweldo sa katulad ni Lt. Gen. Antonio Parlade na tagapagsalita ng NTF-ELCAC.
Hindi nagustuhan nina Villanueva at Gatchalian ang pagkukumpara ni Parlade sa community pantry sa pag-aalok ni Satanas ng mansanas kay Eba.
Naghihinala rin si Parlade na may makakaliwa na gumagamit sa community pantries pra sulsulan ang mga taong magalit sa gobyerno dahilan kaya’t isinasailalim nila aniya sa background checking ang mga organizer ng mga community pantry.
Bago pa man sumulpot ang mga community pantry, isinulong na ni Senate Minority Floorleader Franklin Drilon at mga kasamahan sa minority bloc na idagdag na lamang sa budget pang ayuda ang NTF-ELCAC budget subalit nagpasya ang majority bloc na ibigay na lamang sa ahensya ang pondo para mapigilang lumahok muli sa New people’s Army ang mga nagbalik-loob na sa gobyerno. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)