Ngayon pa lamang ay nagbubunyi na ang bansa partikular ang mga sports fanatics at aficionados dahil maganda ang ipinakitang performance ng ating mga atleta sa 28th South East Asian Games (Sea Games) na ginanap sa Singapore.
Batay sa medal tally ng Pilipinas, tumaas ng higit-kumulang 20 medalya ang nakopo ng ating mga atleta mula sa performance nito noong nagdaang taon sa Myanmar na aabot lamang sa 101, ngayon ay meron na tayong 127 at siguradong madadagdagan pa ito.
Kapansin-pansin na dumami ang medalya natin sa “bronze” mula sa dating 38 medals ay ngayon nasa higit-kumulang sa animnapu (64).
Tila dito sa “bronze” lamang hanggang ang ilan sa ating atleta, at hindi na nakarating sa Final match.
Tulad ng dati, namayani ang mga ateta natin mula sa Athletics o sa track and field.
Yun nga lang may puna ang mga kritiko, kaya pala dumami ang ating medalya sa taong ito ay dahil karamihan sa ating mga manlalaro ay puro may dugong banyaga, ika nga mga Filipino-American (Fil-Am).
Tulad nitong mga Sprint Athletes na sina Eric Cray at Kayla Richardson, na kapwa nagsuot ng jersey o uniporme na may baligtad na bandila ng bansa, ay may dugong Amerikano.
Bagamat hindi naman masamang isalang sa mga international competition ang mga Fil-Am athletes, dahil nga may dugong pinoy ang isang atleta, kaso sa dami-dami nating mga atletang purong Pinoy ay bakit hindi sila ang napabilang dito.
Harapin natin na may pulitika talaga sa larangan ng pampalakasan, ibig sabihin may palakasan system diyan sa bawat National Sports Association (NSA).
Halimbawa na lamang sa swimming, mantakin mo, isinabak natin ang mga atletang walang karanasan, hindi pumasa sa try-out o anumang selection process, kaya resulta: kulelat tayo sa swimming at naging katawa-tawa tayo sa madla tulad ng dalawa nating diver na lumagapak sa kanilang performance.
Ngayon, bago tayo magdiwang siguro magnilay-nilay tayo at i-assess ang mga atleta natin, higit pa diyan, tiyakin natin ang mga namumuno sa ating Philippine Sports Commission at ilang NSAs, dahil kung bulok ang lider diyan, tiyak na wala tayong aasahang magandang performance ng ating mga atleta.