Matapos mapagtibay kahapon ay ganap nang batas ang Republic Act 11-90-9 o ang “Permanent validity of the certificates of live birth, death, and marriage Act”.
Sa ilalim ng naturang batas, ang mga birth certificate, death certificate at marriage certificate na inisyu, nilagdaan, certified, o authenticated ng Philippine Statistics Authority (PSA), maging ng National Statistics Office (NSO) at ng Local Civil Registries (LCR) ay permanente na ang bisa kahit anong petsa pa ito inisyu.
Ang naturang mga dokumento ay kikilalanin at tatanggapin sa lahat ng gobyerno at pribadong transaksiyon o maging sa pagsusumite ng mga requirement bilang pagkakakilanlan ng isang indibidwal sa kahit anong tanggapan sa bansa.
Nabatid na ang batas ring ito ang tutugon sa matagal ng suliranin na kinakaharap ng mga aplikante hinggil sa mga ahensiya ng pamahalaan at ilang pribadong institusyon na tanging ang mga dokumento lamang na hindi bababa sa anim na buwan simula ng inisyu ang tinatanggap.