Itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang permanenteng pag-alsa balutan ng mga sundalong Amerikano sa bansa.
Ayon kay Col. Edgar Arevalo, hepe ng AFP Public Affairs Office, normal routine lamang ang pag-alis ng mga sundalo sa kampo ng militar sa Zamboanga kasama ang kanilang mga equipment.
Dati na anyang nangyayari na kapag umaalis ang isang tropa ng Kano ay mayroon namang dumarating na kapalit at mga bagong equipment na magagamit sa training ng mga Pilipinong sundalo.
Sinabi ni Arevalo na wala naman silang natatanggap na anumang notice o memorandum mula sa kanilang counterpart sa Estados Unidos hinggil sa sinasabing permanenteng pag-alis ng mga tropa sa Pilipinas.
Kasabay nito, ipinaliwanag rin ni Arevalo na wala rin itong koneksyon sa napaagang pagtatapos ng joint military drills sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Nagkataon aniya na natapos na nila ang lahat ng exercises kayat isinagawa na kahapon ang closing ceremony sa halip na ngayong umaga.
By Len Aguirre